Filtered By: Topstories
News

Balasahan sa Gabinete, kinumpirma ni Aquino


MANILA – Inihayag ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na isa o dalawa pang miyembro ng kanyang Gabinete ang mapapalitan o malilipat ng puwesto. Ang pahayag ay ginawa ni Aquino bago ito bumalik sa Pilipinas nitong Martes ng umaga mula sa dinaluhang 19th Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders' Meeting na ginanap sa Hawaii. Sa ulat ni GMA News reporter Bernadette Reyes sa 24 Oras nitong Martes, ipinaliwanag ni Aquino na hindi nangangahulugan na mahinang magtrabaho ang opisyal na papalitan sa puwesto. Bagkus, ang pagkukulang nito ay pupunan lang ng opisyal na posibleng humalili sa kanya. Sinabi naman ng pangulo na karamihan sa miyembro ng kanyang Gabinete ay maganda ang trabaho. Kabilang sa mga pinuri ni Aquino ay sina Foreign Affairs Sec Albert del Rosario at Interior and Local Government Sec Jesse Lobredo.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Gayunman, hindi tinukoy ni Aquino kung sino ang mga miyembro ng Gabinete na maaaring maapektuhan ng balasahan. Sa loob ng isa’t kalahating taong gulang na administrasyon ni Aquino, ilan sa mga dating kalihim na nagbitiw sa kanilang mga puwesto ay sina Albert Lim (Tourism), Alberto Romulo (Foreign Affairs) at Ping De Jesus (Transportation and Communications). Kasama rin sina Angelito Alvarez (dating pinuno ng Bureau of Customs) at Ernesto Diokno (dating pinuno ng Bureau of Corrections), at Vicente Romano III ( dating Tourism undersecretary). -- GMA News