Filtered By: Topstories
News

Atras sa prexy race: Loren dumausdos sa VP sa 2010 polls


MANILA – Inihayag nitong Biyernes ng gabi ni Senador Loren Legarda ang kanyang planong tumakbong muli bilang bise presidente sa gaganaping halalan sa Mayo 2010. Dahil sa deklarasyon ni Legarda, luminaw na ang kapartidong si Sen Francis “Chiz" Escudero, ang magiging standard bearer ng Nationalist Peoples Coalition (NPC), na itinatag ni business tycoon Eduardo “Danding" Couangco noong 1992. Ginawa ni Legarda ang deklarasyon matapos ang isinagawang jobs fair sa Rizal Park sa Maynila. Walang prominenteng personalidad na nakita sa pagtitipon bagaman dinaluhan ito ng ilang opisyal ng NPC, kabilang si Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, anak ni Danding. Apat na sekta ng relihiyon ang nanalangin sa pagsisimula ng seremonya ng mambabatas kabilang ang kinatawan ng Simbahang Katoliko, Bilaan Tribe, Muslim at Aglipayan Church . Sa kanyang talumpati, sinabi ni Legarda na kailangan na niyang tumakbo sa mas mataas na posisyon upang matupad ang hangaring maglingkod umano sa bayan ng “walang humpay, walang pasubalik at may malinaw na plataporma." “Opo, magdedeklara na po ako, tatakbo ako sa mas mataas na posisyon bilang pangalawang pangulo ninyo," ayon kay Legarda. Naunang inihayag ni Legarda na nais niyang tumakbong pangulo sa 2010 elections. Ngunit sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) sa mga presidentiables na ginawa nitong Setyembre, nasa ikapitong puwesto lang si Legarda na may limang porsiyento. Ginawa ni Legarda ang pahayag sa intensyon na maging bise presidente, sa araw na inanunsiyo naman ni Interior and Local Government Sec. Ronaldo Puno ang kanyang pag-atras sa planong asintahin ang pangalawang pinakamataas na puwesto sa pamahalaan. Ngunit maliban kay Escudero, ipinalutang ng kampo ng administrasyon na magandang katambal si Legarda ni Defense Sec. Gilbert Teodoro, na standard bearer ng Lakas-Kampi-CMD. Dating kasapi ng Lakas-CMD si Legarda bago ito tumakbong bise presidente noong 2004 elections ng namayapang si Fernando Poe Jr. Ngunit natalo siya ng kapwa brodkaster na si Vice Presidente Noli de Castro, na katambal noon ni Pangulong Gloria Arroyo. Posibleng makatapat ni Legarda sa posisyon ng bise presidente sa darating na halalan si Sen Mar Roxas at Makati Mayor Jejomar Binay. Si Roxas ang running mate ni Sen Benigno Aquino III, para sa Liberal Party (LP), habang si Binay ang magiging katambal ni dating Pangulong Joseph Estrada ng United Opposition. Wala pa namang inihahayag na running mate si Se. Manny Villar na magiging pambato ng Nacionalista Party. Plataporma Isusulong umano ni Legarda ang plataporma para sa pangangalaga ng kalikasan, kapakanan ng manggagawa kabilang ang overseas Filipino workers, kalusugan at edukasyon sa kabataan, kagalingan ng kababaihan at ilan pang adhikain na karaniwang inihahayag ng mga kandidato. “Personal kong natunghayan ang naging epekto ng climate change sa nakaraang bagyo. Kung babalewalain natin ang climate change, lalo lamang na mararamdaman natin ang magiging epekto nito," pahayag ni Legarda. Iginiit niya na hindi biro ang banta ng pagbabago ng klima sa mundo at tumitinding init ng panahon. “Pangunahin sa sanhi ng malaking pagbaha dulot ng bagyong Ondoy, ang kawalan nang malinaw na urban governance. Malaki ang banta na dala ng climate change na napatunayan sa (mga) Ondoy, Pepeng, Frank at Reming," babala niya. Si Legarda ang isa sa mga pangunahing awtor ng panukalang batas tungkol sa climate change na pinirmahan ni Pangulong Gloria Arroyo nitong Biyernes sa Malacanang upang ganap na maging batas. Isusulong din umani ng senador ang mahusay na pamamahala sa sistema ng pabahay, patubig, sanitasyon, edukasyon, libreng gamot, at skills training program. Binatikos din ni Legarda ang patakaran ng administrasyon na patuloy na pag-angkat ng bigas at iba pang produktong agrikultural na lalo umanong nagpapahirap sa mga magsasaka at mangingisda. “Kailangan alagaan natin ang magsasaka at mangingisda, ang mga taong nagpapakain sa atin dapat may makain din. Paunlarin ang agrikultura upang hindi na umangkat ng bigas. Dapat bigyan sila ng access sa pautang," paliwanag niya. Iginiit din niya na kailangang ibalik ang kapayapaan sa bansa sa pamamagitan ng paglalagay ng kabuhayan at paglutas sa kahirapan sa Mindanao. “Ibalik natin ang kapayapaan sa ating bansa…Ilang dekadang giyera, hindi masosolusyunan ng giyera at maling pangako. Muling bumalik tayo sa peace process hanapan ng solusyon at dalhin natin ang kaunlaran sa kanayunan," pahayag ni Legarda. - GMANews.TV