Filtered By: Topstories
News

2010 polls: Wanted No.2 ni Gibo


MANILA - Sa pag-atras ni Interior Secretary Ronaldo Puno sa karera bilang bise presidente sa 2010 elections, inihayag ng Malacanang na kailangan nilang maghanap ng bagong makakatambal ni Defense Secretary Gilbert “Gibo" Teodoro na magiging pambato ng administrasyon sa panguluhang halalan. “There is an effort to look for a vice presidential candidate for Sec. Teodoro. That’s as much I can tell you," pahayag ni Executive Secretary Eduardo Ermita sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Tumanggi si Ermita na magsalita tungkol sa mga ulat na nakikipagnegosasyon ang administrasyon kay Sen Loren Legarda na kaalyado ng oposisyon at kasapi ng Nationalist Peoples Coalition. Nitong Biyernes ng gabi, nagdeklara si Legarda na posisyon sa bise presidente ang kanyang aasintahin sa 2010 elections. Ngunit hindi nito tinukoy kung sino ang kanyang magiging presidente bagamat ang kapartidong si Sen Francis Escudero ang napipisil na standard bearer ng NPC. Ayon kay Ermita, ihahayag ng Lakas-Kampi-CMD ang kumpletong listahan ng kanilang kandidato sa gagawing national convention sa Nobyembre. “We continue to search for a vice presidential candidate for our chosen presidential candidate, Sec. Teodoro. And we will be prepared with the list with that vice president for the national convention we will be having early next month," paliwanag ni Ermita. Pinabulaanan din ni Ermita ang mga hinala na pinuwersa si Puno na umatras upang magbigay-daan sa pagpasok ni Batangas Gov. Vilma Santos-Recto na running mate ni Teodoro. “There’s no truth to that. In the first place, somebody told me I think it was Gabby (Claudio) who told me walang definite about Vilma talaga," ayon sa opisyal. Naglilipatan sa NP Minaliit din ni Ermita ang pahayag ng kampo ni Sen. Manuel Villar Jr. na naglilipatan sa kanyang partido na Nacionalista Party (NP) ang mga kaalyado ng administrasyon. Ayon kay Ermita, chairman ng Lakas-Kampi-CMD, maraming grupo pa rin ang nanunumpa bilang bagong kasapi ng kanilang partido sa mga lalawigan. Nitong Biyernes, sinabi niya na 100 lokal na lider sa lalawigan ng Quezon ang nanumpa sa Lakas-Kampi na pinamahalaan ni Rep. Danilo Suarez. “On Tuesday and Wednesday there will be hundreds of leaders from Tarlac and also from Northern Samar. Susunod ang sa Batangas at Cavite. Mas marami ang may exodus (papunta sa amin)," deklara niya. Kamakailan ay nanumpa sa NP ni Villar ang mga lokal na lider sa Camarines Sur sa pangunguna mismo ng gobernador ng lalawigan na si LRay Villafuerte at Vice-Gov. Salvio Fortuno. Naunang lumipat sa NP sina Davao del Sur Gov. Douglas Cagas, Surigao del Norte Gov. Ace Barbers, at Sorsogon Vice-Gov. Renato Laurinaria, dating Cavite Vice Gov. Jonvic Remulla Tinawanan din ni Ermita ang pahayag ng kampo ni dating Pangulong Joseph Estrada na magsasampa ng kaso ang administrasyon laban sa kandidatura ng pinatalsik na lider upang hindi makatakbo sa 2010 elections. Sinabi ni Ermita na ang korte ang magpapasya kung puwede o hindi na tumakbong muli si Estrada. “We are not afraid of anything, this is a free country," ayon sa kalihim. - GMANews.TV