Filtered By: Topstories
News

Pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo pinaghahandaan na


MANILA – Pinaghahandaan na ng Philippine National Police ang magiging seguridad sa kapistahan ng Black Nazarene sa Quiapo, Maynila sa susunod na linggo. Ayon kay Police Superintended Ernesto Tendero, ground commander ng PNP-Manila Station 3, umaasa siyang higit na magiging maayos ang prusisyon ngayong taon kumpara noong 2009 na nagkaroon ng kaguluhan dahil binago ang ruta na dinaanan ng imahe. Tinatayang 1,000 pulis ang ipakakalat sa dadaanan ng prusisyon na inaasahang dadaluhan ng milyon-milyong deboto ng Nazareno na nakabase sa simbahan ng Quiapo, ayon sa opisyal. “Ang problema noong nakaraang taon, naghilaan ang mga tao dahil nag-iba iyong ruta ng Nazareno. Ngayon, inaasahan naming mas maayos, mas madali ang magiging takbo ng prusisyon dahil balik na sa dati," paliwanag niya. Sa Biyernes ng gabi (Enero 8), dadalhin ang Black Nazarene sa Luneta Park para sa overnight vigil. Ibibiyahe muli ito pabalik ng simbahan simula 8 am sa Sabado. Muli umanong ilalagay ang mga modernong gamit tulad ng Global Positioning System (GPS) at mga closed-circuit television (CCTV) sa mga dadaanan ng prusisyon. Ihahanda rin ang mga medical teams ng Philippine National Police (PNP), Manila City Hall, at mga volunteer organization para lapatan ng lunas ang mga mangangailangan. Bukod pa rito ang mga nakaantabay na ambulansiya at trak ng bumbero na ilalagay sa ibat-ibang lugar. Noong 2008, dalawang deboto ang nagbuwis ng buhay at hindi mabilang ang mga nasaktan at hinimatay sa ginawang prusisyon ng pinaniniwalaang milagrosong imahe. Nagkaroon ng kaguluhan sa prusisyon noong nakaraang taon nang ilihis ng mga deboto ang ruta ng karosa na sinasakyan ng Nazareno at ibalik sa dati nitong ruta. Ang karosa ng Nazareno ay umuusad sa pamamagitan ng paghatak sa lubid ng mga deboto. Paniwala ng mga deboto, may dalang biyaya sa kanilang buhay kapag dumaan sa tapat ng kanilang bahay ang rebulto ng Nazareno. (Basahin: Bakit Itim ang Nazareno?) Pinapaniwalaan na ang imahe ng Nazareno ay dinala ng mga Kastila sa bansa noong 1607. Nagsilbing tahanan ng rebulto ang Saint John de Baptist Church sa Quiapo simula noong 1787. - GMANews.TV