Filtered By: Topstories
News

Villar ayaw nakabitin ang C-5 road controversy


MANILA – Bagaman ipinapaubaya na umano ni Nacionalista Party presidential bet Sen Manny Villar sa publiko ang paghuhusga sa kanya sa C-5 road controversy, nais pa rin niyang magkaroon ito ng katapusan sa Senado. Sa panayam ni Mike Enriquez sa presidential forum na "Ikaw Na Ba? The Presidential Interview" ng dzBB radio nitong Huwebes, muling iginiit ni Villar na wala siyang ginawang iregularidad sa pagsusulong sa proyekto. Dahil hindi naisalang sa botohan ng Senado ang committee report kung saan inirekomendang kastiguhin siya, sinabi ni Villar na nais niyang malinis ang kanyang pangalan tungkol sa nasabing kontrobersiya. "Kailangang tapusin ‘yan, kailangan mapawalang sala ako diyan...sapagkat wala akong kasalanan diyan," paggiit ni Villar. Nanindigan ang pambato ng NP sa darating na May presidential elections na ginamit lamang ng kanyang mga kalaban sa pulitika ang usapin ng C-5 road project. Pinuna niya na hanggang ngayon ay walang kasong isinasampa sa kanya sa korte tungkol sa proyekto.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV "Bakit ayaw nilang i-file sa korte? Kasi mapapahiya sila e," ayon sa senador. Una rito, inakusahan si Villar ng mga kapwa senador – kabilang na si Sen. Ma. Ana Consuelo "Jamby" Madrigal, kandidato ring pangulo sa May elections – na ginamit ang impluwensiya ng una para makinabang ang mga housing projects nito na dinaanan ng proyekto. Ngunit nanindigan si Villar na ang mga motoristang lumalabas at pumapasok sa bahagi ng Cavite at Metro Manila, ang tunay na makikinabang sa proyekto. Naghahabol din lang umano ng publisidad ang mga katunggali niya sa pulitika na nag-akusa sa kanya sa C-5 road project. "Ang gusto nila nasa Senado dahil doon ay televised, yun ay nasa TV parati, nasa radyo, paulit-ulit na hearing," hinaing niya. Sa ipinalabas na committee report ng Senate Committee of the Whole na pinamunuan ni Senate President Juan Ponce Enrile, nakasaad na nagkasala si Villar at inirekomendang kastiguhin ang senador. Ngunit hindi napagbotohan sa huling araw ng sesyon ang rekomendasyon ng komite dahil sa kawalan ng quorum. Subalit bago makapaglabas ng report ang komite ni Enrile, nauna nang naihain ang resolusyon na pirmado ng 12 senador na nag-aabsuwelto kay Villar. Pero dalawa sa mga nakapirma sa resolusyon – sina Sens Jinggoy Estrada at Francis Pangilinan – ang bumawi ng pirma sa resolusyon dahil sa pagsira umano ni Villar sa kasunduan kung kailan dapat isapubliko ang resolusyon. Sina Enrile at Estrada ay kapwa kandidatong senador sa Partido ng Masang Pilipino ni dating pangulong Joseph Estrada. Samantalang kaalyado naman ni Liberal Party standard bearer Benigno “Noynoy" Aquino III, si Pangilinan. - GMANews.TV