Filtered By: Topstories
News

Failure of elections kinatakutan dahil sa ‘padded’ list ng mga botante


MANILA – Nangangamba ang ilang kongresista na kasapi ng oposisyon na magkaroon ng kaguluhan sa darating na halalan dahil sa alegasyon ng pinalobong listahan ng mga botante at mauwi sa failure of elections. Sa isang pahayag ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez (Partido ng Masang Pilipino), nanawagan ito kay Speaker Prospero Nograles na pangunahan ang pagkilos sa hanay mga kongresista upang igiit sa Commission on Elections na linisin ang listahan ng mga botante. Ang pangamba ni Rodriguez ay batay na rin sa natuklasan ng election watch group na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na may mga botanteng dobleng nahistro kabilang na sa Davao City kung saan kandidatong alkalde si Nograles. Hinihinalang “tip of the iceberg" lamang ang natuklasang sa Davao City at posibleng nasa tatlo hanggang limang milyon ang bilang ng mga botante na dapat tanggalin ng Comelec. “It will be very difficult for Congress to make a decision once the issue on these multiple registrants is raised during canvassing. Three to 5 Million multiple registrants is no joke especially with the perceived close fight among our top presidential candidates. Baka magkaroon tayo ng failure of elections kapag binalewala ito ng Comelec," ayon kay Rodriguez. “There is no such thing as watch list in an election and I don't understand why the Comelec is insisting on this. Kalokohan 'yan," idinagdag ng kongresista. Sinabi ni Rodriguez na mayroon pang P3.1 bilyong pondo ang Comelec para gamitin upang linisin ang listahan ng mga botante—mahigit dalawang buwan bago ang halalan sa Mayo 10. “Congress allotted a P10.3 billion for the 2010 national elections, P7.2 billion of which went to poll automation. We still have P3.1 billion left which Comelec can use in cleaning the voters’ list, " paliwanag niya. Nanawagan din si Cavite Rep. Crispin Remulla, (Nationalista Party), na kaagad kumilos sa paglinis ng listahan ng botante upang maalis ang anumang pagdududa sa mananalong kandidato sa Mayo. “Comelec should take seriously the PPCRV revelation that there are 40,000 flying voters in Davao City and Davao del Sur, and that this could only be the tip of the iceberg," ayon kay Remulla. “The Comelec should act decisively by removing these flying voters and other spurious registrants from other areas in the country. If the PPCRV is able to exercise vigilance on spurious voters, why can’t the Comelec start acting now by cleaning the voters’ list?" Ayon kay Atty. Howard Calleja, abogado ng PPCRV, posibleng umabot sa tatlo hanggang apat na milyon ang flying voters kung imu-multiply sa 80 lalawigan ang natuklasang 40,000 multiple registrations sa Davao. - GMANews.TV