Filtered By: Topstories
News

Lisensiya ni Hayden Kho Jr bilang duktor ‘di na dapat ibalik – Sen Revilla Jr


MANILA – Hindi na umano dapat ibalik kay Hayden Kho Jr. ang lisensiya nito bilang duktor kahit pinawalang-sala ng korte sa kasong isinampa ni Katrina Halili kaugnay ng sex video scandal, ayon kay Senador Ramon “Bong" Revilla Jr. Paalala ni Revilla sa Professional Regulatory Commission (PRC) at Philippine Medical Association (PMA), masamang ehemplo umano sa hanay ng mga duktor si Kho. “Nakikiusap ako sa kanila na huwag nang ibalik ang lisensiya ni Hayden. Masamang ehemplo siya sa propesyon," ayon sa senador. (Basahin: Sen Revilla nadismaya sa pagbasura sa kaso laban kay Hayden Kho Jr.) Inalisan ng PRC ng lisensiya si Kho noong Nobyembre 2009 matapos masangkot sa sex video scandal sa ilang kababaihan, kabilang si Halili. (Basahin: Katrina Halili: 'Mamatay pa ako o mamatay pa buong pamilya ko, hindi ko alam') Nitong Martes, naglabas ng desisyon si Judge Rodolfo Bonifacio ng Pasig Regional Trial Court Branch 159, na pawalang-sala si Hayden dahil nabigo umano ang kampo ni Halili na patunayan na hindi batid ng aktres na kinukunan ni Kho ang kanilang pagtatalik. “It is clear that evidence is insufficient to prove that the sex video was taken without the private complainant’s knowledge. On this score alone, it will already be very hard to hold the accused criminally responsible for his act of taking the sex video," nakasaad sa desisyon ng korte. Kinasuhan ni Halili si Kho noong nakaraang taon ng paglabag sa Republic Act (RA) 9262, o the Anti-Violence Against Women and Children Act, dahil sa alegasyon ng hindi niya batid ang pag-video sa kanilang pagtatalik at pagpapakalat nito sa Internet. Matapos mapawalang sala, inihayag ni Hayden ang hangarin nito na mabawi ang kanyang lisensiya bilang duktor. Handa naman umano ang PMA na tanggapin muli sa kanilang samahan si Hayden kahit na hindi pa tapos ang dalawang taon na suspensyon na ipinataw nila dito. Ngunit nilinaw ni Dr. Oscar Tinio, presidente ng PMA, na papayag lamang silang makabalik sa kanilang hanay si Hayden oras na ibalik ng PRC ang kanyang lisensiya bilang doktor. Nagbabala si Revilla sa PRC at PMA na makasisira sa hanay ng mga duktor si Kho at maaaring matakot din ang kanyang magiging pasyente. “Sino pa ang magpapatingin sa kanya kung bababuyin niya ang kanyang pasyente?," tanong ng senador. Wala namang plano si Revilla na harapin si Kho sakaling hilingin ng huli na magkausap sila tulad ng mungkahi nitong makausap si Halili. “Wala siyang atraso sa akin, kay Katrina siya may atraso," deklara ni Revilla. - GMANews.TV