Filtered By: Topstories
News

Kandidatura nina Lucy Torres-Gomez, Daniel Fernando inaprubahan


MANILA – Inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang kandidatura ng mga artistang sina Lucy Torres-Gomez, at Daniel Fernando, ganundin ang biyuda ng pumanaw na si dating Batangas Gov Armand Sanchez. Si Lucy ang naging substitute candidate nang madiskuwalipika ang asawa niyang si Richard Gomez na tumatakbong kongresista sa 4th District ng Leyte. Hindi pinayagan ng Comelec na tumakbo si Richard matapos katigan ang petisyon ng isang residente sa lalawigan tungkol sa residency status nito. Hindi umano umabot sa isang taon ang paninirahan ni Richard sa lalawigan na itinatakda sa batas. Nito lamang Miyerkules inihain ni Lucy ang kanyang kandidatura bilang kapalit ng asawa. Samantala, ang pag-apruba sa kandidatura sa aktor na si Daniel ay tugon sa inihain nitong motion for reconsideration upang baligtarin ang naunang desisyon ng 2nd Division ng komisyon na nagbasura sa kanyang kandidatura. Naunang ibinasura ng 2nd Division ang kandidatura ni Daniel bunga ng paggamit nito sa kanyang screen name sa certificate of candidate sa halip na tunay na pangalan na Cesar Fernando Ramirez. Ngunit ikinunsidera ng Comelec en banc ang paliwanag ni Daniel na dati na niyang ginamit ang kanyang screen name sa unang pagsabak niya sa pulitika sa lokal na posisyon sa Bulacan. Dalawang ulit nang nahalal si Daniel sa Sangguniang Panlalawigan, at ngayon ay tumatakbong bise gobernador sa Bulacan. Samantala, sa ipinadalang pahayag ni Atty. Ferdinand Tofacio, sinabi nito pinayagan ng Comelec ang kanyang kliyente na si Sto. Tomas, Batangas Mayor Edna Sanchez, na maging substitute candidate bilang kandidatong gobernador ng pumanaw na asawa na si Armand Sanchez. Nasawi noong Abril 27 habang nangangampanya si Armand dahil sa brain stroke na hinihinalang dulot ng matinding init ng panahon. Si Sanchez ang kandidatong gobernador ng Nacionalista Party, na panlaban kay incumbent Gov Vilma Santos ng Liberal Party. - GMANews.TV